jump to navigation

LP: Luntian July 17, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
29 comments




Hmmm…parang kilala ko tong baka na ito.

Siya na naman. Hindi yata dumating ang amo nya at naghanap ng luntiang lupain upang makakain at medyo magkalaman ang kanyang sikmura. Dangan kasi ang pinag iwanan sa kanya ng kanyang amo ay halos naubos na ang mga luntiang damo na dapat sana nyang kakainin.

Mooohhhh….mooohhhh…

Narinig ko na naman ang boses nya..marahil ay busog na siya. Hindi man nya makita ang amo nya, sigurado akong masaya siya dahil ang kumakalam na sikmura ay may laman na. :)

Halika tayo’y maglibot at bigyan sigla ang tema ngayong linggo sa Litratong Pinoy.

Magandang Huwebes po sa lahat!

LP: Tatak Pinoy July 3, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
8 comments

Anong kaguluhan yan! Si Bea Alonzo pala!

Ganyan tayong mga Filipino. Mahilig samga artista o manood ng pelikula kaya, o kaya naman ay manood ng PBB o PDA. hehehe. Aminin!

Ang mga Pinoy kahit, nahihirapan sa buhay, nakukuha pa rin naman magsaya. Yan ay isa sa mga katangian natin, hindi tayo magpapakalugmok sa kalungkutan, hinding hindi tayo papatalo sa anu mang hinagpis ng buhay. Babangon at gagawa ng paraan upang magkaroon ng masayang buhay.

Mahirap kaya mag-isip kung papaano natin bubudgetin ang ating sweldo hindi ba, ang taas na ng bilihin, ang taas ng gasolina (ako na lang yata hindi tumataas, hehehe). Kaya heto sa isang mall, ang daming nanood kay bb. Bea Alonzo, natutuwa, naaliw sa kanya (singer na rin pala si bea). Isinasaisang tabi muna ang problema upang saglit na magsaya :)

Mabuhay tayong mga pinoy!

halina at dalawin ang ibang tatak pinoy
sa Litratong Pinoy na alam kong inyong maiibigan.

Happy LP po sa lahat!

LP 12 Pag-aaral (Ang Tagpuan) June 26, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy, Treats.
29 comments




Sa tuwing nadadaanan ko ang kainan na ito (qc branch na malapit sa amin) pag kami ay nag pupunta sa supermarket, naalala ko ang aking kolehiyong pinagtapusan ang Pamantasan ng Malayong Silangan (FEU) sa Maynila.

Ang orihinal na branch nito ay sa may likod ng FEU Manila (ang qc branch naman ay sa tapat naman ng FEU regalado). Malaki ang naging parte ng kainan na ito sa akin buhay kolehiyo (tingin ko ganun din sa mga kaklase ko). Naaalala ko pa noon na dito kami madalas naglalagi ng aking mga kaklase. Minsan nga nagiging library na namin ang lugar na ito, hehehe. Ewan ko ba bakit namin naging paboritong lugar ang kainan na ito. Siguro dahil na rin sa kami ay naging welcome dito. Mababait naman kasi ang nagpapalakad dito. Isa pa mura na ang pagkain at masarap, paborito ko ang kanilang pansit..

Hmmmm…natakam yata ako. Sana ang branch na malapit sa amin ay parehas pa rin ang lasa ng pancit nila. hehehe!

Kayo mayroon ba kayong paboritong tagpuan sa inyong paaralan o unibersidad?

Maalala ko, ito ang aking lahok para sa linggong ito sa Litratongpinoy na may temang pag-aaral. Tara sabayan nyo ako sa pagdalaw sa ibang lahok dito

Maligayang araw ng Huwebes sa lahat.

LP# 11 Itay June 19, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
19 comments

Maulan, kaylakas ng hangin at madilim ang kalangitan, parang isang panganib na nagbabadya ngunit patuloy pa rin sa pag kayod upang may maiuwi para sa hapunan.

Ganyan ang ating mga ama….

Gagawa, kikilos, kakayod para lamang maitaguyod ang kanyang pamilya.
Yan ang interpretasyon ko sa larawang aking ibinahagi. Ito ay kuha mula sa isang pantalan sa Pangasinan ng kami ay pauwi na galing sa hundred island. Namangha ako kasipagan ng mamang ito. Palubog na ang araw ngunit sya ay walang pagod pa rin sa paghanap ng mga turistang ipapasyal nya sa kagandahan ng lugar.

Naalala ko noong kami ay bata, si tatay, sobrang sipag mag trabaho. Pati Sabado, minsan nga pati linggo walang humpay sa pag punta sa site. Sa konstruksyon kasi sya nag tratrabaho noon. Kaya bilang kapalit, nag aral kami ng mabuti upang magtapos. Isa lamang ang hindi ko maintindihan kay tatay….sobrang strikto nya (as in sobra ha!) Kaya kaming magkakapatid ay takot sa kanya, maraming bawal noon. Bawal mahuli ng uwi.Kahit noong nasa kolehiyo na ko, hindi pa rin ako pwede gumimik. Tapusin ko daw muna pag aaral ko sabi nya. Hindi ko siya maunawaan bakit sya ganun ka strikto kaya minsan nagtatampo ako kasi hindi ko magawang gumimik at sumama sa barkada. Naiisip ko noon, wala ba akong karapatang mag saya!!!wala ba!!!!… hahaha ang drama ko?

Pero ngayon…naiintindihan ko na bakit ganun si tatay. Ngayon naisip ko na nasa lugar naman pala ang pagiging strikto nya, overacting lang talaga ko, hehehe.
Hay…ang galing noh? Ang mga tatay (pati si nanay) laging alam ang tama para sa ating mga anak. :)

Kaya sa linggong ito, pinaparangalan ang ating mga mabubuting ama sa litratongpinoy.
Halina at dalawin ang ibang lahok dito

Happy Father’s day po sa lahat ng mga tatay! Mabuhay po kayo

LP# 10 Pag-iisang dibdib June 5, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
31 comments

Si bunso, sobrang pihikan . Kaya sa edad nya malapit na mag trenta (o trenta na yata) hindi pa niya napipili ang taong magpapatibok ng kanyang puso. Maganda naman siya, may nanliligaw, ngunit sadyang mapili. Kaya naman si itay at inay madalas siya kulitin at tanungin kung kaylan siya magkaka boyfriend, Pati tuloy ako nangangamba noon na baka tumandang dalaga siya. Ito naman si bunso ang tangi lamang nyang sagot ay “in God’s perfect timing.” Naisip ko na lang noon, sige panghahawakan ko ito, hindi ako maiinip para sa iyo. :)

Kaya isang araw galing sa opisina, tinawag ako ng aking nanay mula sa kabilang bahay at pinapupunta ako sa silid ni bunso (nasa opisina pa rin si bunso, nag overtime yata)….at eto ang aking nakita…

Go go kapatid!!!!!
ang bibliya at isang wedding directory

Aba…abah…aba!!!!!..In God’s perfect timing nga! Sa wakas…

So ayun na, kwento nga ni nanay na ang ginoo na sumusuyo ke bunso ay naka kadestino sa Singapore at uuwi sa kanyang kaarawan sa Oktubre. Sana nga matuloy, sana nga totoo, dalangin ko na sana sya na nga ang taong kahati ng kanyang puso at matuloy sa pag iisang dibdib. :)
Ang saya saya di ba?!

Oo nga pala eto ang aking lahok para sa Litaratong Pinoy. Dalawin ang iba dito, alam ko maiibigan nyo ang kanya kanyang kwento tungkol sa pag iisang dibdib.

LP#9 Ihip ng hangin May 29, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
34 comments



Huwebes na naman…araw na naman ng Litratong Pinoy. Para sa araw na ito, ang ating tema ay Ihip ng Hanging.

Napili ko ang larawang ito na ibahagi.
Ang mga pahina ng aklat ay para bang sumasayaw at sumasabay sa ihip ng hangin na nagmumula sa aming bentilador. Ang ganda nya pamasdan. Para bang nang-aakit at nagsasabi na basahin mo ako. :)

Ang kauna unahang nobela na aking nabasa at natapos (maliban sa EL PIli at Noli) eh yung Changes ni Danielle Steel. Naiyak ako sa kwento. Hindi pa ako nakuntento, inulit ko pa basahin. Natatawa nga sa akin ang kapatid ko noon kasi malamang daw hindi ko raw naintindihan ang kwento,hehehe. Pangangatwiran ko naman, marami kasing highlights ang librong iyon, kaya masarap siya ulitin. Bwhahaha!

Anyway…sabi ko nga kay sarap gawing pampalipas oras nung mga panahong iyon ang pagbabasa. Ngayon uso na kasi ang internet at ebooks. Gayun pa man, bumibili pa rin ako ng mga libro, hindi pa rin ako nagsasawa magbasa ng mga ito. Para sa akin, walang katapat ang ligayang naibibigay nito. :)

Para naman sa ibang lahok, bumisita po dito

Maligayang LP sa lahat.

LP# 8 Tubig May 22, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
35 comments

Huwebes na naman at ang ibig sabihin ay araw na naman ng Litratongpinoy. Kaya heto na naman ako at magbabahagi ng isang larawan para sa tema ngayon linggo na Tubig.

Ang larawan nasa itaas ay kuha ko nakaraang buwan lamang ng ako at ang aking asawa ay namasyal sa Metro Market Market sa may Taguig. Isa sa mga main attraction nila doon ay ang fountain. Ang ganda nya pag masdan dahil, iba iba ang movement ng tubig. Me paputol putol, may tuwid na pataas at mayroon din maliit na pag buga ng tubig. Kaya nga maraming bata (isa na kami dun, hehehe) ang nag tipon sa harap ng fountain at nanood na para bang may pelikulang pinapalabas ng siya ay pinapaandar na. Nakakaaliw, nakakarelax siya lalo na ng pagod na isip :).

Gusto nyo pa bang masilayan ang ibang lahok para sa tubig, bumisita dito

Magandang Huwebes at Maligayang LP sa lahat. :)

LP#7 Umaapoy May 15, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
31 comments

Tag ulan na ngayon ngunit nasa aking alala pa rin ang masasayang sandali ng tag-init. Ang larawang aking ibabahagi ay kuha noong nakaraang Abril, ang pinakamainit na buwan sa Pilipinas kung tutuusin. Kaya nga maraming Pilipino ang gumagawa ng paraan upang maibsan ang parang umaapoy na pakiramdam dahil sa sobrang init ng panahon. Marami ang nag pupunta sa beach samantalang ang iba naman ay sa mga swimming resort na nagkalat sa kalakhang Maynila. Tulad ng nasa larawan, ito ay isang swimming resort na malapit sa aming lugar. Napakaraming tao, ngunit kahit papaano ay nalunasan ang init na aking nararamdaman.

Ang larawan nga pala ang aking lahok para sa Linggong ito ng Litratong Pinoy na nasa ika-pitong Linggo na may temang Umaapoy. Umaapoy naman ang aking lahok di ba…Umaapoy sa init ng panahon. hehehe.

Magandang Araw ng Huwebes sa lahat.

LP#6 Mahal na Ina May 8, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
30 comments


Malayo ang tingin, si wowowee naman ang tinatanaw….hehehehe

Siya po ang aming mahal na ina ng aming angkan. Ang aking mahal na mama, iyan ang tawag namin kay lola. Kung hindi ako nag kakamali sya ay nag kaka edad na walumpu’t apat nitong darating na Mayo 29. Kaya ang larawang ito na pahirapan kong kinuha kanina ang aking lahok sa Litratong Pinoy ngayon Huwebes na may temang Mahal na Ina.

Katulad nga ng sinabi ko, pahirapan kong kinuha yan. Dangan kasi sa tuwing sasabihin ko sa kanya na kukuhaan ko siya ng litrato biruin mong tatalikod o kaya’y ihaharang ang kanyang dalawang kamay sa mukha nya. Hay ang aking lola, parang bata, napaka kulit at mahirap kausap. Medyo mahina na kasi ang kanyang pandinig kaya minsan na tumawag ako sa bahay mula sa aking opisina, siya ang nakasagot at hindi pa man ako nagsasalita sukat ba namang sabihin nyang,

mamaya ka na lang tumawag wala ang kailangan mong tao dito,

sabay baba nya ng telepono. Pinindot ko ulit ang numero ng aming bahay nagbabakasakali na na may ibang sumagot, ng pag angat ng telepono, siya na naman ang nakasagot at sabay sabi nya na may iritadong boses na,

ang kulit mo sabi ko na mamaya ka na tumawag at wala ang taong kailangan mo dito

…nyahahaha…oo nga naman, sinabi nga na wala doon eh, umulit pa ng tawag, ayan….nasigaw at nasabihan tuloy ako ng makulit ni lola. hahaha

Ang lola ko talaga, masungit na makulit. Ganun pa man, mahal na mahal namin siya. Siya kasi ang nag aruga sa aming magkakapatid noon bata pa at tagapagtanggol namin pag pinapagalitan ng tatay at nanay. Mama, dalangin namin sa iyong darating na kaarawan ang mas masiglang pangangatawan at makapiling ka pa namin sa mga darating mo pang kaarawan. Happy Mother’s day din po sa iyo :)

Sa lahat po ng nanay, inang, mama, mommy o paano man kayo tawagin happy mother’s day po sa inyo. :)

Maligayang Huwebes sa lahat!

Ang ibang lahok po pala sa linggong ito ay makikita dito

LP#5 Malungkot May 1, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
30 comments

Sa pagpatay ng ilaw at pag lisan ng lugar, katahimikan ang mananatili at kalungkutan ang humihiyaw

Makata yata ako sa linggong ito hehehe…Sa kadahilanang ang tema sa LitratongPinoy ay Malungkot, ito ang naisipan kong isali

Ang larawang nasa taas ay tabiki o pader na nakatapat sa aking cubicle. Oo isang pader ang nasa harapan ko sa buong walong oras sa opisina…Mapakalungkot di ba? Wala kang makausap at wala kang matanaw na iba. Pakiramdam ko ako’y nag iisa lalo na pag oras na ng pananghalian, sa pag patay ng ilaw, tahimik at lalong nagpapatahimik dahil sa pader/tabiki na humaharang sa karamihan. Tanging mga anino na lamang ng pinto ang kasama at kaulayaw. Gayunpaman, mayroon din naman napapadaan sa aking lugar upang ako’y batiin ng magandang araw. Ngunit sa pag usad ng kanilang paa papunta sa pintuan, muli na naman akong mag isa…hay kalungkot talaga.

Hindi bale… may maganda rin naman siyag naidudulot pag ako’y maraming ginagawa, mas marami naman akong natatapos dahil ang payapa at tahimik na tabiking ito ang aking kaulayaw habang ako’y gumagawa.

Mga kaibigan at kasama bagamat ang tema natin ay Malungkot tayo po ay magkaroon ng maligayang Mayo Uno at masayang LP :)

LP#4 Hugis ay Pahaba April 24, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
33 comments

Nang nakaraang linggo, binahagi ko sa inyo ang isang silid ng tanggapang aking pinapasukan, ngayong naman nais kong ibahagi sa inyo ang anyo ng gusaling ito bilang lahok sa ika-4 na Litratong Pinoy na may temang Hugis ay Pahaba.

Ito ang mukha o harapan (facade) ng opisinang aking nabanggit. Ang harapan ng gusali ay me desenyong pahaba na kung saan ikinasa ang mga salaming hugis pahaba din. Hindi gaanong kagandahan ang istraktura, dahil ito ay me kalumaan, kaya naman murang nabili ni Misis ito.

Nang nakaraan taon, buwan ng Setyembre lamang kami lumipat sa nabanggit na gusali. May mga kwento kwento mula sa kalapit na establisyemento na mayroon daw nagpapakita dito. Hmmmm….nakakapangilabot nga kung seseryosohing isipin pero sa aking palagay, kaya lamang nila nasabi iyon dahil matagal na ring walang umuokopa dito at ito ay dating maliit na ospital. Ang mga haka-hakang ganyan ay normal lamang na binabanggit sa kahit sinong bagong lipat, hindi ba?. Ako ay 7 buwan na naglalagi sa gusaling iyan ngunit wala pa naman akong nakikita at wala akong balak makita sila, hehehe.

Maligayang Huwebes sa lahat :)

LP#3 Apat na Kanto April 17, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
20 comments

sahig

Ang larawang nasa itaas ay kuha sa aming departamento sa opisina. Isang araw na ako’y naapaga ng pasok at wala pang ibang ka-opisina na dumating, napag isipan kong kuhaan ng isang litrato ang mga pansahig na baldosa (floor tiles). Ito ang aking lahok para sa LP sa ikatlong Linggo na may temang “4 na kanto.” . Ang isang baldosa ay sadyang me apat na kanto, datapwat mayroon din namang ibang desenyo na kakaiba ang hugis, ngunit ang ginamit sa aming suelo o sahig (floor) ay yung mga ordinaryong hugis na parisukat. Ang mga baldosang pinagkabit ay may apat na kanto hindi ba ? ;)

Kung makikita nyo lamang ang kabuuan ng aming opisina, alam ko hindi nyo mawawari kung kayo ay mamamangha o matatawa dahil, iba’t ibang kulay at kombinasyon ang ginamit. Ipagpatawag nyo po lamang dahil nakaligtaan ko kunan ng larawan ang buong lugar ng aming tanggapan. Sa akin palagay (at sa palagay rin ng iba kong ka departameto) medyo labis ang naisip na desenyo ni Misis, may-ari ng gusali at ingat-yaman na rin ng tanggapan na aking pinapasukan . Ito raw ay gawang sining. O sige pagbigyan na… sabagay sa kanya naman ang gusali at kami ay mga empleyado nya. Kaya heto sa tuwituwina pag kami ay naiinip dito sa opisina, sulyapan lang naming ang mga baldosang ito kami ay napapangiti na.

LP#2: tatlo ang sulok ko April 10, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
26 comments

Huwebes na naman. Nagtipon tipon na naman ang mga litratista sa LP, upang ipamalas ang kanikanilang napiling konsepto para sa linggong ito na mayroong temang tatlo ang sulok ko.

and moog

    Moog ng kapilya

Ang larawang ito ay kuha ko mula sa bakuran ng aking mga magulang. Ito ang moog para sa batingaw (bell tower). Sa kasalukuyan, inaayos ito. Noon kasi ito ay gawa sa kahoy lamang ngunit ngayon, ito ay yari na sa bato, mas matibay ngayon. Ipagpaumanhin ninyo kung hindi ko siya nakuhaan ng magandang anggulo. Ngunit kita pa rin naman yung tatlong sulok na kinalalagyan ng krus.

Ngayon po kung nais ninyong sumali, i-klik nyo lang yung buton sa gawing kanan upang dalhin kayo sa site ng LP.

Magandang Huwebes sa lahat. ;)

Ako ay bilog (at sepia) April 3, 2008

Posted by jeanny in Litratong Pinoy.
13 comments

Ako’y tumatakbo ng mabilis upang maihabol itong entry ko para sa L.P #1. Huli na ba ko??? Malapit na!!!!

Dahil naiwan ko ang aking kamera, nagmamadali akong umuwi galing sa aming tanggapan (lalim noh?) para makahanap ng kahit anong bilog sa aming tahanan. Ngunit bago ako makarating, marami akong nakitang mga bilog na bagay gaya ng isang magandang ilaw pang trapiko o kaya yung mga nakapaskil na lathala na hugis bilog. Ako’y nanghinayang…sayang. Kakainis di ba. Kung dala ko lang ang aking kamera tiyak nakuhaan ko na yun ng larawan. Pag dating ko sa aming tahanan, kagyat akong naghanap ng bilog. Inabot ako ng ilang oras din para makahanap ng bilog. Kaya heto, sumakit ang katawan ko dahil tinaob ko ang buong sambahayan.

…at sa aking paghahanap eto ang nakuhaan ko ng larawan

Ngayon kung kayo ay mahilig mag kodak dali at makilahok na dito